Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Alabat, sa pamumuno ng ating punong bayan, Kgg. Jose Ramil Arquiza, ang paglulunsad ng Oplan Undas 2022 para sa paggunita sa Araw ng mga Santo at mga Kaluluwa mula Oktubre 31 hanggang bukas, Nobyembre 2, 2022.

Nakabantay ang iba’t ibang tanggapan ng munisipyo at mga ahensya ng gobyerno sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng ating mga kababayan sa panahong ito. Nanguna ang Port Management Office sa traffic control kasabay ng pagdagsa ng mga sasakyan at balik-bayan sa Alabat mula pa ng mga nakaraang araw. Nagsagawa naman ng cleaning and repainting operations sa ating sementeryo ang Engineering Department. Samantala, nakaantabay sa ating mga kababayan ang mga kawani ng MDRRMO, RHU, PNP, BFP, CAFGU, Kabalikat Civicom, Barangay Police, Barangay Health Workers, at ilang mga samahan sa pamamagitan ng kanilang public assistance desks.

Tinitiyak ng ating lokal na pamahalaan na ang lahat ay makapagdaraos ng okasyong ito nang ligtas at matiwasay.